Sa paniniwala ni Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, hindi dahil sa pagbubukas ng ekonomiya kaya sumipa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa kundi dahil sa mga “secret party.”

Marami aniyang tao na nakipagkita sa kanilang mga kaibigan dahil sa “lockdown fatigue” ang hindi na sumusunod sa COVID-19 protocols sa panahon ng kanilang bonding time.

“Maraming nag-reunion, whether sa former classmates mo or kamag-anak mo na hindi kayo nagkikita, maraming secret parties. Marami nang nangyari. So dito ‘yung medyo, of course, bumaba ang compliance rate dahil nagkita-kita, privately,” sabi ng kalihim sa DZRH, Lunes.

Pinunto ni Lopez na ang pagbubukas ng ekonomiya noong huling bahagi ng 2020 ay hindi naman humantong sa pagtaas ng coronavirus cases, kumpara sa iniuulat ngayon ng gobyerno.

“Kaya mainam pa ‘yung nasa ganyang restaurant, actually. Sa public kasi namo-monitor mo. Pero sa private, pwedeng wala na silang mask all throughout. Nagkainan, nag-inuman na. Maraming ‘yang ganyang activities talaga, dumami ‘yan, kaya talagang dumami yung cases ngayon,” dagdag niya.

The post COVID surge dahil sa ‘secret parties’ – Lopez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-surge-dahil-sa-secret-parties-lopez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-surge-dahil-sa-secret-parties-lopez)