Nangangamba si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibilidad na matigil ang donasyong bakuna ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang COVAX facility dahil hindi nasunod ang mga kondisyong ibinigay ng mga ito.

Sa harap na rin ng ulat na may mga pinapaboran na mga politiko at mga personalidad sa vaccine rollout at lumaktaw sa pila ng medical health worker.

Sa kanyang Talk to the People nitong Miyerkoles ng gabi, sinabi ng Pangulo na hindi nasunod ang ibinigay nilang listahan ng mga dapat iprayoridad sa dapat mabakunahan ng AstraZeneca kaya namimiligrong mawala ang tulong na bakuna ng WHO sa bansa.

“Sinabi na sa atin ng country representative ng WHO, if you do not follow the list of priority, you might lose the assistance of the WHO. It was made clear to us na ganoon ang pagkasabi,” anang Pangulo.

Naiintindihan aniya ng Presidente ang ugali ng mga Pilipino na mapagbigay sa mga kakilala subalit sa pagkakataong ito na mayroong matinding problema sa pandemya ay dapat mahigpit na sinunod ang mga dapat maunang mabakunahan.

“I understand fully the psyche of a Filipino. Magsabi ” halika, dito ka. Sumingit ka diyan,” mga ganoon. Iyan yang style ng mga Pilipino,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na maliit na bagay ang pagsingit kung sa mga ordinaryong panahon at pagkakataon, subalit sa mga panahong ito aniya, na nanghihingi lang ang gobyerno kaya dapat na sundin ang mga nakakabit na kondisyong ibinigay sa bansa.

“It’s trivial actually under ordinary times. But in times like this, when we are only the donee sa mga donor at tinanggap natin yan with the conditions nattached thereto, dapat sundin natin,” wika ng Pangulo.

The post Dahil sa mga sumingit sa turok: Bakuna mula COVAX, posibleng mawala – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dahil-sa-mga-sumingit-sa-turok-bakuna-mula-covax-posibleng-mawala-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dahil-sa-mga-sumingit-sa-turok-bakuna-mula-covax-posibleng-mawala-duterte)