Pinabibilisan ni Anakalusugan Rep. Michael Defensor sa Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang pag-asikaso sa mga pribadong kompanya na handang gumastos sa pagbili ng COVID-19 vaccines para sa kanilang mga empleyado.

Umapela rin si Defensor sa mga pribadong kompanya na gayahin ang Accenture Inc. at Jollibee Foods Corp. na nais bumili ng bakuna para sa kanilang 67,000 empleyado at kanilang pamilya.

Ang Accenture, ang pinakamalaking provider ng outsourced business consulting and processing services sa bansa ay mayroong 50,000 empleyado sa Metro Manila, Laguna, Ilocos Norte at Cebu.

Ang Jollibee naman ay mayroong 17,000 empleyado kasama na ang kanilang mga support unit.

Ang mga pribadong kompanya na nais na makabili ng COVID-19 vaccine ay kailangang pumasok sa tripartite agreement kasama ang gobyerno at mga vaccine manufacturer.

Nanawagan din si Defensor sa Philippine Business for Social Progress (PBSP) at League of Corporate Foundations (LCF) na kumbinsihin ang kanilang mga miyembro ng bumili ng bakuna.

“Both PBSP and LCF can aggregate the jabs needed by member firms for use on their employees and dependents, and then enter into ‘mother’ procurement agreements with the government and vaccine producers,” ani Defensor.

Ang PBSP at mayroong 255 miyembrong kompanya samantalang 96 na malalaking foundation naman ang nasa ilalim ng LCF.

The post Defensor: Apurahin bibilhing COVID vaccine ng mga kompanya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-apurahin-bibilhing-covid-vaccine-ng-mga-kompanya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-apurahin-bibilhing-covid-vaccine-ng-mga-kompanya)