Aaksyunan ng Department of Interior and Local Government ang nangyaring pagpapabakuna ng tatlong alkalde kahit hindi pa sila kasama sa priority list para maturukan.

Ito’y kasunod ng ulat na naturukan na ng bakuna si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez base mismo sa Facebook post nito kung saan makikitang nilagyan siya ng bakuna habang walang suot na face mask o shield.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, kanilang isasangguni ang ginawa ni Romualdez sa DILG para maimbestigahan kung may paglabag na ginawa ito sa pagtanggap ng COVID-19 vaccine.

Sa ngayon ay tanging mga health worker lamang ang maaring makatanggap ng bakuna sa bansa base sa priority list na inilabas ng interim National Immunization Technical Advisory Group.

“Hindi pa pwedeng magpabakuna muna ang hindi medical frontliners dahil kung susuway tayo sa order of priority, maapektuhan ang future deliveries galing sa COVAX. We regret this incident, but I will refer the matter to DILG for proper action dahil kailangan po talagang imbestigahan ito,” ayon kay Roque.

Saad naman ni DILG Undersecretary Epimaco Densing, naghahanda na sila ng show cause order sa tatlong hindi pinangalanang mayor para ipaliwanag ang ginawang tila pagsingit sa prayoridad ng bakuna.

The post DILG ipapatawag mga mayor na singit sa bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dilg-ipapatawag-mga-mayor-na-singit-sa-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dilg-ipapatawag-mga-mayor-na-singit-sa-bakuna)