Aminado ang Department of Interior and Local Government (DILG) na imposibleng maabot ang ideal contact tracing ratio na nais ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Ito’y matapos ilahad ni Magalong na isang contact tracer lang kada pitong tao ang efficiency ratio ngayon ng bansa pagdating sa contact tracing.

Aniya, ang dapat na ratio ay 1:30 hanggang 37 para sa urban area, habang 1:25 hanggang 30 naman sa rural area.

Ngunit paliwanag ni DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, hindi kakayanin maabot ang naturang bilang.

“Yung sinasabi niya na for every COVID positive, 30 ang kailangan ma-contact trace, kung minsan hindi talaga kakayanin dahil sa dami ng kaso,” saad ni Malaya.

Aniya, sa bilang na 7,000 kaso kada araw sa bansa, imposible ang naturang suhestiyon ni Magalong.

“Kapag nilagay mo talaga is 1:30, hindi kakayanin given that this situation now na araw-araw meron tayong 7,000 cases. Virtually impossible yung ganitong ratio,” saad pa ng opisyal.

Nitong Sabado ay abot sa 7,999 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, pinakamataas buhat nang magsimula ang pandemya.

The post DILG: Mungkahing contact tracing ni Magalong hindi kakayanin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dilg-mungkahing-contact-tracing-ni-magalong-hindi-kakayanin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dilg-mungkahing-contact-tracing-ni-magalong-hindi-kakayanin)