Dapat pa ring sundin ng publiko ang minimum health standard na kinasa ng gobyerno laban sa COVID-19 kahit pa dumating na ang bakuna sa Pilipinas.

Paalala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing, kahit pa nabakunahan na ang isang tao ay posible pa rin itong matamaan ng new coronavirus.

“Sinabi ng ating mga doktor na kahit nabakunahan ka, kailangan pa rin mag-practice [ng health protocol],” saad ng opisyal sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ ng Politiko Live.

“Remember itong bakuna natin, hindi pa ito for commercial use, ginagamit lang natin because mayroon tayong medical emergency worldwide,” aniya pa.

Isa sa binigay na halimbawa ni Densing ay ang naging kaso ng isang overseas Filipino worker sa UAE, na noong umuwi sa Mandaue City, Cebu ay nagpositibo sa COVID-19 kahit pa nabakunahan na ito.

Paliwanag ni Densing, maari pa ring mahawaan ng virus kahit nabakunahan na, ngunit magiging ordinaryong sipon at ubo na lamang ito at hindi na nakamamatay.

“Ang COVID-19 po ay leon, kapag ikaw ay nabakunahan, magiging kuting na lang,” lahad ni Densing.

The post DILG Usec. Densing: Kahit nabakunahan na, dapat sumunod pa rin sa health protocol first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dilg-usec-densing-kahit-nabakunahan-na-dapat-sumunod-pa-rin-sa-health-protocol/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dilg-usec-densing-kahit-nabakunahan-na-dapat-sumunod-pa-rin-sa-health-protocol)