Ang mga COVID-19 vaccine sa mga ospital sa probinsya ay hindi “ni-recall” kundi “hiniram” lang umano para magamit sa mga ospital na may mataas na bilang ng mga coronavirus patient.

Ayon ito kay Health Secretary Francisco Duque III, Biyernes.

“Ang gusto ko linawin ngayon ay hihiramin lang natin ‘yan habang kulang ang bakuna at rumaragasa ang COVID sa [National Capital Region], sa Region 4A, sa Region 3, sa Region 7 at sa [Cordillera Administrative Region],” sambit ng kalihim sa Dobol B TV, Marso 19.

Giniit niyang ginagawa naman daw talaga ang “paghiram” ng bakuna sa mga health facility na kaunti lang ang naturukang medical frontliners.

Hindi raw aniya ito naiiba sa pagre-reassign sa mga healthcare worker sa mga ospital na kailangan ng dagdag na tauhan.

“Nakatanggap ako ng report na may mga ospital na mababa ang uptake [ng vaccine], eh sayang naman at baka abutan ng expiration gaya ng AstraZeneca na tatlong buwan lang,” ani Duque.

“Bakit hindi natin hiramin muna [ang vaccines] at dalhin dito sa may mga matitinding pangangailangan? Ginagawa naman talaga ‘yan, matagal na naming ginagawa ‘yan,” giit niya pa.

The post DOH: Covid bakuna hindi binawi, ‘hiniram’ lang first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-covid-bakuna-hindi-binawi-hiniram-lang/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-covid-bakuna-hindi-binawi-hiniram-lang)