Doble ingat ang ginagawa ngayon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez matapos matamaan ng COVID-19 sa ikalawang pagkakataon.

Sinabi ng kalihim na nasa ikatlong araw pa lang siya ng kanyang isolation at quarantine matapos magpositibo sa COVID test nitong nakalipas na araw.

Hindi naman aniya malala ang kanyang ubo at walang lagnat pero inaagapan ng immunity booster bilang panlaban ng katawan laban sa virus.

“Alalay lang kaya medyo mabagal akong magsalita ngayon. Pero generally okay naman ho. Ang nakakatakot niyan yung magpunta ka ng hospital eh, kaya ho ngayon at least isolation lang. Sana makatapos ng 14 days quarantine. Nakakatatlong araw pa lang ako mula nung test,” ani Lopez.

Sinabi ng kalihim na dinodoble niya ngayon ang dosage ng iniinom na mga bitamina at pinayuhan ang publiko na mag-doble ingat para hindi mahawa sa COVID-19.

Si Lopez ang pang-limang miyembro ng gabinete na naka-quarantine sa ngayon dahil sa COVID-19.

Nauna nang nag-quarantine sina Presidential Spokesman Harry Roque matapos magpositibo sa COVID test, habang nasa isolation naman sina Secretary Vince Dizon at Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos ma-exposed sa COVID positive na kasama, habang si vaccine czar Secretary Carlito Galvez ay naka-quarantine din bilang pagsunod sa protocol matapos bumiyahe sa India.

The post DTI Sec. Lopez doble ingat sa ikalawang COVID positive first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dti-sec-lopez-doble-ingat-sa-ikalawang-covid-positive/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dti-sec-lopez-doble-ingat-sa-ikalawang-covid-positive)