Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, wala sa kamay ng mga opisyal ng gobyerno ang bilyon-bilyong pisong hiniram para ipambili ng mga bakuna kontra COVID-19.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang regular na Talk to the People sa harap ng hindi matapos-tapos na pang-iintriga umano ng ilang pulitiko sa perang hiniram ng gobyerno para makabili ng COVID vaccines.

Pinagsabihan ng Pangulo ang mga nagdududang pulitiko dahil hindi aniya gawain ng mga gabinete ang magbulsa ng pera.

“If you are afraid of corruption, let your mind go easy because these things are not susceptible to anything. The money is in the hands of the bank and they collect yong nagpabili sa atin ng bakuna from the bank,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na walang kahit na sentimong hahawakan ng gobyerno sa perang hiniram ng gobyerno dahil ang mga bangkong nagpautang na mismo ang magbabayad sa mga vaccine manufacturer kapag naideliver na ang mga bakuna.

“Sinabi ko na sa inyo mga kababayan ko: kung maniwala kayp sa kanila, sige bahala na, doon na kayo. Kung hindi pa ninyo maintindihan yan, I really do not know how..,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na bulok ang estilo ng ilang pulitiko at mga kritiko dahil para magmukha silang malinis ay ang mga kalaban nila ang sisiraan at wawasakin para sila ang magmukhang bida sa taongbayan.

“That’s what you would call a classic case of if you want to appear white, you paint the other guy black para ang labas mo puting-puti ka. Si Mr.Clean, parang ganoon. Ganyan eh, style bulok,” wika ng Pangulo.

The post Duterte gigil sa mga dudang binulsa na ang pambili ng bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-gigil-sa-mga-dudang-binulsa-na-ang-pambili-ng-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-gigil-sa-mga-dudang-binulsa-na-ang-pambili-ng-bakuna)