Matapos ang naging sunod-sunod na aktibidad sa mga probinsiya, sa Malacañang lamang ang mga nakatakdang aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang naka-schedule na out of town activity ang Presidente sa susunod na linggo kaya aasahang mananatili lamang ito sa Palasyo.

“Wala naman pong further engagement na nakasulat sa kanyang schedule. Puro Palasyo lang po siya,” ani Roque.

Matatandaang naging sund-sunod ang mga dinaluhang aktibidad ng Pangulo sa Cagayan de Oro City at Tacloban City sa nakalipas na dalawang linggo at nagpahayag ng pag-aalala ang ilang grupo sa posibilidad na mahagip ito ng COVID-19 lalo na at tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit lalo na sa Metro Manila.

Nakatutok din ang atensiyon ng publiko sa biro ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Tacloban City na tila may cancer na ito dahil sa kanyang pag-ubo, na agad namang nilinaw ni Roque na nagbibiro lang ang Presidente.

Sinabi ni Roque na maraming nakatakdang pulong si Pangulong Duterte sa darating na linggo sa Malacañang at wala itong pampanguluhang aktibidad sa ibang mga lugar.

“He will have his regular Talk to the People on Monday, at marami pong meetings sa Palasyo lang pero wala na po siyang out of town,” dagdag ni Roque.

The post Duterte hindi muna lalabas sa Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-hindi-muna-lalabas-sa-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-hindi-muna-lalabas-sa-palasyo)