Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng libreng face mask ang mga mahihirap na hindi kayang bumili para makasunod sa safety protocol na ipinatutupad ng gobyerno.

Sa harap na rin ito ng patuloy na pagtaas ng COVID cases nitong buwan sa bansa, partikular na sa Metro Manila.

Sa kanyang lingguhang ‘Talk to the People’, sinabi ng Pangulo na ang ibang hindi makabili ng bagong face mask ay paulit-ulit ang paggamit kahit lumang-luma na, at hindi ito nakakatulong sa pagpigil sa pagkalat ng kontaminasyon.

“It’s the mask, eh ilang gamit lang. But yung iba, lumang-luma eh isang buwan na ginagamit because you know they don’t have money to buy. We have to provide the mask for everybody. Kung yung tao walang pambili, how would you expect compliance from him,” anang Pangulo.

Inatasan ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) at mga kapitan ng barangay na magtulungan para sa libreng face mask ng mga hindi kayang bumili ng proteksyon laban sa COVID-19.

“I think DILG again and the barangay captains makatulong po kayo. You have the same data sa mga tao kung sino yung mabakunahan, sinong hindi. So when we ask the people to comply, we also look into the possibility that they cannot buy it,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III noong nakalipas na linggo na ang paggamit ng face mask, face shield at pagsunod sa social distancing ay epektibo o higit pa sa COVID vaccine.

Ito ang dahilan kaya hindi nagsasawa ang gobyerno sa pagpapaalala sa publiko sa pagsunod sa basic health protocols para mabawasan ang mabilis na pagkalat ng kontaminasyon lalo na ngayong may mga lumilitaw na COVID variant sa bansa.

The post Duterte: Mga mahihirap ilibre ang face mask first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-mga-mahihirap-ilibre-ang-face-mask/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-mga-mahihirap-ilibre-ang-face-mask)