Pinaiimbestigahan at pinakakasuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang anak ng artista at siyam na mga alkaldeng sumingit sa pila ng vaccine rollout ng gobyerno laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People nitong Miyerkoles ng gabi, hindi naitago ng Pangulo ang pagkadismaya dahil hindi nasunod ang prayoridad sa mga dapat bigyan ng bakuna.

Inatasan ng Pangulo si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na mag-imbestiga at idiretso sa Ombudsman ang kaso laban sa mga sumingit sa vaccine rollout,

“Ikaw na ang bahala. Ayaw ko na lang magpangalan ng tao. Anak ito ng artista, kayo na ang bahalang mag-imbestiga nito. Let the legal office handle, make a report out of that incident and diretso mo na lang sa Ombudsman,” anang Pangulo kay Duque.

Naunang napaulat na nakapagpabakuna na ng AstraZeneca vaccine ang aktor na si Mark Anthony Fernandez sa Parañaque City.

Nais ding isama ng Pangulo sa imbestigasyon ang city health worker at provincial health worker na nagbigay ng bakuna sa mga mayor at anak ng artista.

Hindi tinanggap ni Pangulong Duterte ang rason ng mga alkalde na kaya sila ang naunang magpabakuna ay para maalis ang takot ng kanilang constituent.

“Ang mga rason nila I think that is universal excuse na para hindi matakot yong mga constituents. Well ako medyo gray area yan. Whether or not if they jumped the COVID-19 line of vaccination would require a certain amount of a legal study,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na mayroon ng show cause order na insisyu sa mga alkaldeng sumingit sa vaccine roll out at inisa-isang pinangalan ang mga ito sa publiko.

Ang mga ito ay sina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez; T’boli, South Cotabato Mayor Dibu Tuan; Sulpicio Villalobos ng Santo Niño, South Cotabato; Noel Rosal, Legazpi City; at Abraham Ibba ng Bataraza, Palawan.

Kasama rin sa binigyan ng show cause order sina Mayor Elanito Peña ng Minglanilla,Cebu; mayor Virgilio Mendez ng San Miguel, Bohol at Mayor Arturo Piollo II ng Lila, Bohol.

The post Duterte: Mga mayor, anak ng celeb na singit bakuna, kasuhan! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-mga-mayor-anak-ng-celeb-na-singit-bakuna-kasuhan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-mga-mayor-anak-ng-celeb-na-singit-bakuna-kasuhan)