Personal na tinanong ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Spokesman Harry Roque kung bakit hindi ito nakaligtas sa COVID-19.

Sa kanyang lingguhang ‘Talk to the People’, inalam ng Pangulo kay Roque kung nag-pa swab test ito ulit para ma-validate ang positive na resulta ng RT-PCR test nito.

“Harry, bakit ka nag-positive? Nagpa-swab ka ulit? Had you been able to validate if you really have the COVID or not?” ang sunod-sunod na tanong ng Presidente.

Sinagot naman ni Secretary Roque ang Presidente na iniisip nito kung saan posibleng nakuha ang virus sa mga pinuntahang mga aktibidad.

Tiniyak ng kalihim kay Pangulong Duterte na tuloy-tuloy pa rin ang kanyang trabaho at para hindi makahawa ay nag-isolate na ito.

“Binibilang ko po kung saan ko posibleng nakuha pero sumama po ako sa rollout ng vaccination sa PGH, sa Vicente Sotto, sa Southern Philippines..,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim sa Presidente na nakadalawang beses na siyang nagpa-test nitong Lunes para ma-validate ang RT-PCR test at pareho aniyang positive ang resulta.

The post Duterte nagtaka kung paano nahawa ng COVID si Roque first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-nagtaka-kung-paano-nahawa-ng-covid-si-roque/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-nagtaka-kung-paano-nahawa-ng-covid-si-roque)