Hindi sigurado si Pangulong Rodrigo Duterte kung matutupad ang ipinangakong pabahay para sa mga sundalo kapalit ng inagaw aniyang mga bahay ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Tacloban City nitong Huwebes na paliit na ng paliit ang natitira sa kanyang termino kaya hindi niya alam kung matatapos ang housing projects para sa mga sundalo sa susunod na taon.

“Ewan ko pa kung makakaya ko pang maabutan. Pag wala, kayo na ang magpasensiya kasi ang panahon ko paliit ng paliit na. I’m nearing the finish line,”anang Pangulo.

Ikinuwento ni Pangulong Duterte sa mga rebel-returnee ang ginawang pang-aagaw ng grupong Kadamay sa housing unit na nakalaan para sa mga sundalo, at para maiwasan ang gulo ay pinangakuan ang mga sundalo na gagawa na lamang ng housing projects na mas maganda kaysa sa inagaw ng Kadamay.

“Sabi ko sa mga military, hayaan mo na. Gawaan ko na lang kayo ng bago ” kuwento ng Pangulo.

Sa nabanggt na aktibidad muling inulit ng Presidente ang programa ng gobyerno na pabahay at lupa sa mga nagbalik-loob na rebelde bukod pa sa livelihood projects para sa pagsisimula ng mga ito.

The post Duterte: Pabahay sa mga sundalo baka ‘di na matupad first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-pabahay-sa-mga-sundalo-baka-di-na-matupad/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-pabahay-sa-mga-sundalo-baka-di-na-matupad)