Pinalakas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang loob ng sambayanan sa harap ng patuloy na nararanasang hamon at epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Sa harap na rin ito ng patuloy na pagsirit ng mga nagkakasakit sa COVID-19 nitong Marso na nilampasan pa ang pinakamataas na record noong Hulyo at Agosto 2020.

Sa kanyang lingguhang ‘Talk to the People’ sinabi ng Pangulo sa publiko na huwag panghinaan ng loob dahil kayang lagpasan ang problema sa COVID kumpara sa mga mas matinding pinagdaanan sa buhay.

“I’ll just say to my countrymen that do not despair. Kaya natin itong COVID na ito. Maliit na bagay ito sa buhay natin, marami tayong dinaanan mas grabe, mas mahirap,” anang Pangulo.

Tiniyak ng Presidente sa mga mahihirap na Pilipino partikular ang mga nasa laylayan na hindi niya iiwanan ang mga ito kaya huwag magpadala sa takot ng COVID-19.

“Yong mga kababayan ko nandiyan sa squatter’s area, huwag kayong matakot at hindi ko kayo iiwanan. Huwag mawalan ng pag-asa at huwag isiping inabandona kayo ng gobyerno. Hindi ko mangyayari yan,” dagdag ng Pangulo.

The post Duterte sa mga Pinoy: Hindi kayo inabandona ng gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-sa-mga-pinoy-hindi-kayo-inabandona-ng-gobyerno/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-sa-mga-pinoy-hindi-kayo-inabandona-ng-gobyerno)