Naghain ng panukala si Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo upang makaboto ng mas maaga ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa May 2022 elections.

Ayon kay Castelo hindi maitatanggi na nasa bansa pa rin ang panganib ng COVID-19 sa susunod na taon at lubhang delikado umano sa mga senior citizens at PWDs ang pagpunta sa mga election precincts sa araw ng botohan.

“Thus, it is important for Congress and the Commission on Elections (Comelec) to take measures to help health authorities prevent the spread of COVID-19 among voters and the population in general,” ani Castelo sa House Bill 8756.

Sa ilalim ng panukala, pabobotohin ang mga senior citizens at PWDs isang linggo bago ang araw ng halalan sa mga presinto na itatakda ng Comelec.

Papayagan din ang Comelec na magsagawa ng online registration ng mga boboto upang makalkula kung gaano karaming balota ang kailangan nitong ihanda.

Pinamamadali ni Castelo ang pagdinig sa kanyang panukala lalo at naghahanda na ang Comelec sa isasagawang eleksyon 14 na buwan mula ngayon.

Kung magiging matagumpay maaari umanong ulitin ng Comelec ang early voting sa mga susunod na halalan kahit na wala na ang banta ng COVID-19.

The post Early voting sa seniors, PWDs itinulak first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/early-voting-sa-seniors-pwds-itinulak/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=early-voting-sa-seniors-pwds-itinulak)