Sa gitna ng mga bagong paghihigpit dahil sa pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon at ng mga programang nagbibigay-proteksyon sa mga batang kababaihang nahaharap sa matinding panganib.

Una nang ibinahagi ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang naging resulta ng isang survey ng Social Weather Stations (SWS), kung saan lumabas na dalawampu’t limang (25) porsyento ng mga Pilipino ay nababahala sa karahasan at pang-aabuso sa mga kababaihan.

Sa naturang survey, labing-isang (11) porsyento ang nababahala sa pisikal na pang-aabuso, pitong (7) porsyento naman ang sa karahasang sekswal, at pitong (7) porsyento rin sa pang-aabusong emosyonal.

Dahil ang mga kababaihang mag-aaral ay halos isang taon nang nananatili sa kanilang mga tahanan, sinabi ni Gatchalian na nanganganib silang makaranas ng karahasan at mataas din ang posibilidad na sila ay huminto ng pag-aaral.

“Ito’y dahil madalas silang inaasahang magbigay ng suporta upang maitawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamily,” sabi ni Gatchalian.

“Kahit na ipinapatupad ng mga paaralan ang distance learning, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga safety nets, kabilang ang mga child protection programs,” paliwanag pa nito.

Sa isang pag-aaral ng Department of Science and Technology – National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP), ang pagsasara ng mga paaralan, ang pagkakaroon ng mga dysfunctional families, at ang kawalan ng access sa sexual at reproductive health education ay ilan sa mga maituturing na sanhi ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy.

“Sa patuloy na pagdiriwang natin ng National Women’s Month, mahalagang alalahanin natin na dapat nating paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa ating mga batang kababaihan laban sa ano mang uri ng pang-aabuso at karahasan,” ani Gatchalian.

“Isa sa mga pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin ay hindi sila mahinto sa pag-aaral sa kabila ng mga hamong kinakaharap natin, lalo na’t ang mga paaralan ay may mga programa para sa kanilang proteksyon,” wika pa nito.

The post Gatchalian: Kaligtasan ng mga batang babaeng nasa panganib itaguyod first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-kaligtasan-ng-mga-batang-babaeng-nasa-panganib-itaguyod/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-kaligtasan-ng-mga-batang-babaeng-nasa-panganib-itaguyod)