Pinaiimbestigahan ni Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang reklamong pagkaantala ng sahod ng maraming media and production workers na kinuha para bumuo ng mga programang ipapalabas sa DepEd TV.

Ang tinutukoy na kumpanya ay ang Ei2 Tech, Inc. na pagmamay-ari ng television host na si Paolo Bediones.

Sa impormasyong nakarating sa tanggapan ni Gatchalian, ilang mga manggagawa, hindi nila natanggap ang kabuuan ng kanilang sahod simula pa noong Setyembre ng 2020.

Sabi pa ng mga nagreklamong executive producer (EP), pinangakuan sila ng kumpanya na matatanggap nila ang kanilang sahod sa Disyembre 18, 2020 ngunit hindi nangyari ito, sa halip ay nagpatuloy raw sila sa pagtatrabaho kahit walang natatanggap na suweldo.

Noong Disyembre 2020, napilitang sumulat ang ilang EP kay Bediones upang malaman ang dahilan kung bakit hindi sila nakakasahod.

Subalit laking gulat ng mga manggagawa nang pagbantaan pa diumano sila ni Bediones na kakasuhan ng libel noong nag-leak sa media ang kanilang mga hinaing.

Paliwanag naman ng DepEd, boluntaryo lamang noong una ang pakikipag-ugnayan nila sa Ei2 Tech, Inc. Kalauna’y ginawa na itong opisyal noong Disyembre 29, 2020 nang ipinagkaloob ng ahensiya sa kumpanya ang kontratang nagkakahalaga ng higit apatnaput limang (45.5) milyong piso para sa pagpapatuloy ng proyektong DepEd TV.

Noong ikalawang linggo ng Marso, naglabas ang DepEd ng paunang bayad na P9 milyon sa kumpanya. May kabagalan nga lang anila ang proseso sa accounting.

Samantala, ang ikalawang bahagi ng proyekto ay nagkakahalaga ng P200 milyon at kasalukuyang dumadaan pa sa proseso ng bidding.

“Ang mga media worker na naging bahagi ng DepEd TV ay may malaking ambag sa pagpapatuloy ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya kaya dapat naman siguraduhin natin na hindi nahuhuli ang bayad sa kanila bilang sukli sa kanilang serbisyo,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sabi pa ni Gatchalian, ibinahagi rin ng mga EPs na ang ipinangakong buwanang sahod sa kanila ay P50,000 hanggang P60,000 na kalauna’y nauwi P3,750 na lamang kada tao sa bawat episode.

At dahil hindi sila mga regular na empleyado, sila ay itinuturing na ‘supplier’ kaya kailangan raw nilang magpakita ng official receipts. Pero kung wala naman, magbayad na lang raw sila ng P5,000 sa kumpanya para sa OR.

Nagsimulang umarangkada noong isang taon ang DepEd TV bilang alternatibong pamamaraan ng pag-aaral sa new normal.

The post Gatchalian kinalabit si Paolo Bediones sa sweldo ng DepEd TV crew first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-kinalabit-si-paolo-bediones-sa-sweldo-ng-deped-tv-crew/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-kinalabit-si-paolo-bediones-sa-sweldo-ng-deped-tv-crew)