Kailangan na umanong isulong ang localized na limitadong face-to-face classes para mapabilis ang “learning recovery” ng mga mag-aaral, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Kahit tuluyan na nating masugpo ang COVID-19, patuloy pa rin tayo sa pagtugon sa mga pinsalang dinulot ng kawalan ng face-to-face classes. Bukod sa pag-urong ng kaalaman, kabilang din dito ang pag-akyat ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at ang pagdami ng mga batang ina,” ani Gatchalian.

Sa pamamagitan ng “Proposed Senate Resolution (PSN) No. 663 taking into consideration PSN 668,” isinusulong ng Senado ang rekomendasyon na simulan na ang localized limited face-to-face classes sa mga lugar na tutukuyin ng Department of Education (DepEd) bilang low-risk area.

Sabi ni Gatchalian, sa sa mga may akda at sponsor ng naturang resolusyon, ang pakikilahok ng mga mag-aaral sa panukalang pilot testing ay boluntaryo at dapat may pahintulot ng kanilang mga magulang o guardian.

Nakaaad sa resousyon na makatutulong sa DepEd ang pilot testing na matukoy ang mga hakbang upang masiguro ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan. Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagtiyak na may sapat at malinis na tubig, handwashing stations, sapat na suplay ng sabon, alcohol, at iba pang mga kagamitan sa paglilinis.

Lahat ng mga ito ay isasagawa sa pakikupag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID).

Panukala din ng resolusyon na ang mga Provincial School Board, City School Board, at Municipal School Board ang magsusuri at magbibigay ng rekomendasyon sa pagbubukas ng mga paaralan, pagkakaroon ng mga localized lockdowns, at pagkakaroon ng face-to-face classes depende sa kalagayan at kakahayahan ng mga lokal na pamahalaan.

Sa madaling salita, tinitiyak nito na ang gagawing pilot testing ay isasagawa sa pamamagitan ng case-to-case basis.

Maliban kay Gatchalian, kabilang sa mga may-akda ng resolusyon sina Senate President Vicente Sotto III, Senators Maria Lourdes “Nancy” Binay, Francis “Kiko” Pangilinan, Grace Poe, Pia Cayetano, Joel Villanueva, at Sonny Angara.

The post Gatchalian: ‘Learning recovery’ ng mga estudyante simulan na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-learning-recovery-ng-mga-estudyante-simulan-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-learning-recovery-ng-mga-estudyante-simulan-na)