Sobrang bagal pa rin ng internet connection sa bansa tatlong buwan matapos lumipas ang ultimatum ng Pangulo sa telecommunications companies na ayusin ang kalidad ng kanilang serbisyo, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sabi nito, mabagal na pagtugon ng mga telcos sa mga reklamo ng kanilang mga subscribers na may kinalaman sa mobile data at palyadong broadband services.

“Hindi na natin kailangan pang ipagdiinan na hindi nasusulit ng mga tao ang binabayaran nilang serbisyo,” sabi ng Senate Economic Affairs Committee Vice Chairman.

“Ang mas hindi katanggap-tanggap ay ang kawalan ng agarang pagtugon lalo na sa ganitong panahon na mabigat ang pangangailangan ng bawat pamilya pati na rin ng commercial establishments ng maayos na internet services,” dagdag nito.

Isang halimbawa dito aniya ang kaso ng mga residente ng Valenzuela City na napilitang dumulog sa kanilang mga lokal na opisyal dahil hindi natutugunan ang mga hinaing nila sa mabagal o kawalan ng internet connection.

Karamihan sa mga reklamong natatanggap ng pamahalaan ng Valenzuela City mula sa iba’t ibang social media platforms ay may kinalaman sa sablay na internet connection, walang internet access o signal na umaabot ng ilang araw o linggo at hindi maagap na pagseserbisyo ng technical crew ng mga internet service providers (ISP).

Kapansin-pansin din ang pagtaas ng bilang ng mga reklamo sa lokal na pamahalaan sa huling bahagi ng 2020 bunsod ng kawalan ng aksyon ng PLDT, Converge ICT at Globe Telecoms sa kanilang mga hinaing.

“Hanggang kailan pa tayo magdurusa sa problema ng internet connectivity? Baka naman nabakunahan na tayong lahat kontra COVID-19 tapos hindi pa natatapos ang problemang ito, sabi ni Gatchalaian.

“Hindi katulad ng singil sa kuryente na maaring installment, ang mga subscrbers ng telcos ay buo ang binabayad. Sana suklian naman nila ang mga tao ng karampatang serbisyo,” sambit pa nito.

The post Gatchalian napundi na sa mga telco first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-napundi-na-sa-mga-telco/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-napundi-na-sa-mga-telco)