Tiniyak ng National Task Force Against Covid-19 na kasama sa mga unang mababakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga pinakamahihirap na Pilipinong nakatira sa mga kalsada at sa mga ilalim ng tulay.

Ito ang inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez batay sa listahan ng mga dapat unahin sa vaccination program ng gobyerno para makaligtas sa peligro ng COVID-19.

Sinabi ni Galvez na nakatoka na sa local government units ang pangangasiwa sa listahan ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) , kasama na ang mga nakatira sa mga ilalim ng tulay at mga kalsada.

“Ito po iyong pinakamahirap sa lahat ng ating mga mahihirap. Kasama po sila sa listahan at kasama po sila sa aid priority na tinatawag,” ani Galvez.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang maiiwang mga Pilipino sa vaccination program at pagkatapos ng mga medical health workers at iba pang frontliners ay isusunod na mabakunahan ay ang mga pinakamahihirap na mga Pilipino.

Naunang nabakunahan ng Sinovac at AstraZeneca vaccines ay ang medical health workers sa iba’t ibang pagamutan sa bansa.

The post Homeless prayoridad ding mabakunahan – Galvez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/homeless-prayoridad-ding-mabakunahan-galvez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=homeless-prayoridad-ding-mabakunahan-galvez)