Nadagdagan ang sakit ng ulo ng alkalde ng Parañaque City sa gagawing pagpapaliwanag matapos mapaulat na bukod kay Mark Anthony Fernandez at isa ring konsehal ng lungsod at isang kawani ng Department of Justice ang pinasingit sa pila sa bakuna.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecetary Epimaco Densing na vina-validate na nila ang natanggap na impormasyon.

“Naka-receive ako ng report na mayroong konsehal din ng Parañaque na nagpabakuna at meron ding isang empleyado ng DOJ, so talagang hindi nila sinunod ang priority list ” ani Densing.

Padadalhan na aniya nila ngayong araw ng show cause order si Parañaque Mayor Edwin Olivarez para magpaliwanag kaugnay sa mga pinasingit na pesonalidad sa pila ng bakuna.

“Ipapalabas na namin ang show cause order kay Mayor Olivarez para magpaliwanag siya. Command responsibility niya po ang pagsisigurado na ang ating vaccination plan ay nasunod sa kanyang lokal na gobyerno,” ani Densing.

Hindi kinagat ng DILG ang rason ng Parañaque City government na nasa kategoryang ‘substitute’ si Fernandez, na kapag may tumangging magpabakuna ay ibigay sa iba ang COVID-19 vaccine para hindi ito masayang.

“Excuse na lang nila yon nung lumabas sa balita na nakapagpalusot sila ng isang non-priority individual eh gumawa na lang sila ng rason,” wika pa ni Densing.

The post Huli ng DILG! Parañaque councilor, DOJ employee sumingit din sa bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/huli-ng-dilg-paranaque-councilor-doj-employee-sumingit-din-sa-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=huli-ng-dilg-paranaque-councilor-doj-employee-sumingit-din-sa-bakuna)