Nilantad ng Philippine Hospital Association (PHA) na ilang ospital ang hindi pa nakatatanggap ng bayad mula sa PhilHealth mula nang magsimula ang pandemya noong March 2020.

Ayon kay PHA President Jaime Almora, ilang ospital na ang nag-iisip na mangutang na dahil pasimot na ang kanilang pondo.

“Kausap ko medical directors, nag-iisip humiram ng pera kasi mula noong magsimula ang COVID-19, marami sa kanila ang hindi pa nakakolekta ng bayad sa PhilHealth,” ayon kay Almora sa panayam ng DZBB.

Saad ng PHA president, nais nilang makausap sa isang dayalogo ang PhilHealth ukol sa mga hindi pa nababayaran na responsibilidad ng state insurance agency.

Ganyan din ang sentimiyento ni Philippine Red Cross chairman Richard Gordon dahil aniya, abot na sa P822 million ang utang sa kanila ng PhilHealth.

Saad ni Gordon, nababayaran naman ito ng paunt-unti ngunit patuloy pa ring nagpapatong-patong ang utang sa PRC.

Iniisip tuloy ng senador kung may makinabang sakaling ihinto ng PH Red Cross ang kanilang operasyon ng COVID-19 testing facility.

“Kung minsan nagsususpetsa ako, meron silang alaga siguro, na kapag nagsara kami kikita yang mga yan,” lahad ni Gordon sa panayam din ng DZBB.

The post Ilang ospital wala na pera! 1 taong utang ‘di pa bayad ng PhilHealth – PHA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ilang-ospital-wala-na-pera-1-taong-utang-di-pa-bayad-ng-philhealth-pha/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ilang-ospital-wala-na-pera-1-taong-utang-di-pa-bayad-ng-philhealth-pha)