Malaking perwisyo ang hinaharap ng mass vaccination program ng pamahalaan kontra sa Covid-19 kapag nagbulag-bulagan sa mataas na bilang ng mga Pinoy na nag-aatubiling magpabakuna, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Ang dapat unahin ay kumbinsihin ang mga Pinoy na magpabakuna. Gamitin na natin ang panahon na naaantala ang bakuna at himukin ang lahat na magpaturok para sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga pamilya at mga kaibigan. Dapat tayong agarang mabakunahan ng alin sa mga aprubado na ng FDA,” sabi ni Marcos.

“Nababalisa ang marami dahil sa posibleng side effects pero minimal at bihira lang naman – ngunit mas mapanganib ang banta ng impeksyon dahil ito’y nakamamatay,” dagdag nito.

Sabi pa ni Marcos, mabibigo ang kahit anong planong pagbabakuna kung 46% hanggang 47% ng mga Pilipino ang duda o ayaw sa kahit anong Covid vaccine.

“Masasayang lang yan kung walang masinsinang information campaign na gagawin!” diin nito.

Sinalubong ng mataas na tinatawag na vaccine hesitancy rate ng Pilipinas ang pagdating ng unang batch ng Sinovac mula China na nasa 600,000 doses, habang humihingi din ng iba pang pagpipilian ang mga health workers na may unang prayoridad sa pagbabakuna.

“Maaaring magdulot ng kumplikasyon sa pag-iimbak at pagde-deliver ng bakuna ang pag-aatubili ng marami at magbunga ito ng dagdag gastusin at pagsasayang sa mga bakuna,” ayon kay Marcos.

Sinabi rin ni Marcos na kailangan ng pamahalaan ng mas agresibong information campaign na kalahok ang mga kilalang influencer mula sa sektor ng kalusugan maging sa showbiz.

“Puwede rin magbigay ng mga insentibo ang nasa pribadong sektor sa kanilang mga empleyado habang nirerespeto pa rin ang kalayaan na magdesisyon kung magpapabakuna o hindi,” dagdag ni Marcos.

The post Imee: Kumbinsihin mga Pinoy na magpabakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/imee-kumbinsihin-mga-pinoy-na-magpabakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=imee-kumbinsihin-mga-pinoy-na-magpabakuna)