Iniugnay ni PBA Rep. Jericho Nograles noong Martes ang panukala ng Department of Health (DOH) na pagbawalan ang mga kompanya ng sigarilyo na makabili ng COVID-19 vaccines sa lobby ng mga international group na nakikialam umano sa ginagawang polisiya ng gobyerno.

Naniniwala si Nograles na ang pagbabawal ay may kaugnayan sa Joint Memorandum Circular (JMC 2010-01) na inilabas ng DOH at Civil Service Commission noong 2010.

Ang JMC ay gumawa ng special rule kung papaano makikipag-ugnayan ang mga empleyado ng gobyerno sa mga kinatawan ng mga kompanya ng sigarilyo at maging sa mga magsasaka ng tabako.

Nang lumabas ang JMC noong 2010 ay nakatanggap umano ang DOH ng malaking grant mula sa Bloomberg Initiative, isang anti-tobacco non government organization.

Si Health Secretary Francisco Duque III ang CSC chairman nang lumabas ang JMC.

“It has been revealed that foreign money has been influencing policy making in the DOH for quite some time. In fact, the Congressional hearing revealed at least US$2M in lobby money that has influenced policy coming from Bloomberg alone,” ani Nograles.

Mayroon din umanong mga NGO na nagla-lobby laban sa mga kompanya ng alak, asukal at gatas.

“This JMC is an unlawful and unconstitutional memorandum that has remained unchecked until today. It’s time that we should look into this and find out what happened with the Bloomberg money,” ani Nograles.

Sinabi ni Nograles na bukod sa discriminatory ay taliwas umano ang pagbabawal na makabili ng bakuna ang mga kompanya ng sigarilyo sa polisiya ng gobyerno na mabakunahan ang lahat.

The post Int’l lobby ni-link sa pagbawal sa yosi company na bumili ng Covid bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/intl-lobby-ni-link-sa-pagbawal-sa-yosi-company-na-bumili-ng-covid-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=intl-lobby-ni-link-sa-pagbawal-sa-yosi-company-na-bumili-ng-covid-bakuna)