Hindi pa nakukumpleto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga permit na kailangan nito sa pagtatayo ng New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project.

Sa pagdinig ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples, nabatid na isa lang sa anim na tribo na maaapektuhan sa pagtatayo ng dam ang nabigay ng kanilang free, prior and informed consent (FPIC).

Ayon kay lider ng Agta-Dumagat na si Marcelino Tena lima pa ang hindi nagbibigay ng FPIC pero nagtatayo na umano ng kalsada papunta sa lugar kung saan itatayo ang P12.2 bilyong dam.

Sinabi naman ni MWSS deputy administrator Leonor Cleofas na hindi itatayo ng winning bidder na China Energy Engineering Corp. (CEEC) ang dam hangga’t hindi kumpleto ang mga permit at lisensya para rito.

Aniya ang ginawa ng CEEC ay survey at geological investigation para makabuo ng detalyadong disenyo ng dam.

Samantala, nais naman nina Deputy Speaker at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Rep. France Castro na magsagawa ng special audit ang Commission on Audit sa sinasabing P20 milyon na ibinigay ng MWSS sa tribo na nagbigay ng kanilang FPIC.

“Parang padulas ito, they are using the carrot and stick method,” ani Zarate.

Ayon naman sa IP leader na si Thelma Aumentado ang pondo ay tulong ng MWSS sa mga naapektuhan ng pagsasaayos ng Angat-Umiray project sa Quezon.

The post Kaliwa Dam hindi pa maitatayo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kaliwa-dam-hindi-pa-maitatayo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kaliwa-dam-hindi-pa-maitatayo)