Walang plano si Senador Francis Pangilinan na tumakbo sa mataas na posisyon sa 2022.

Ayon kay Pangilinan, president ng Liberal Party, ayaw na makadagdag sa mga ambisyong politiko na nagpaplanong tumkabo sa pagka-presidente at bise presidente sa susunod na national election.

“I’m up for reelection, that’s my plan. Ang shortage natin baboy, hindi ambisyosong politiko, Ayoko nang dagdagan, sobra sobra na. May oversupply na ng ambisyosong politiko, ‘wag na nating dagdagan,” pahayag ni Pangilinan sa panayam sa ANC.

Sabi nito, dapat paigtingin ng Commission on Election (Comelec) ang kampanya para sa pagpaparehistro ng mga botante dahil marami pa ang hindi nagpaparehistro, anim na buwan bago tumanggap ang ahensiya ng certificates of candidacy para sa mga tatakbo sa susunod na halalan.

Sa nagdaang padinig ng Senate electoral reforms committee, may 73 milyon eligible na botante sa bansa at 58 milyon dito ang rehistrado habang 16 naman non-registered eligible voters.

Tinataya din na mahigit 10 milyong kabataan na may 18 hanggang 29 anyos hindi nakapagparehistro sa nagdaang eleksyon.

Sabi pa ni Pangilinan, kung nakapagparehistro lang ang 10 milyon katao para bumoto sa nakaraang eleksiyon, maaring nakakuha ng franchise renewal ang ABS-CBN at hindi naipasa ang anti-terror law.

“Siguro kung nagparehistro yung mga yun at binoto yung palagay nilang karapat-dapat, baka bukas pa ang ABS-CBN ngayon, baka hindi napasa ang anti-terror law,” sabi ni Pangilinan.

The post Kiko: May oversupply na ng ambisyosong politiko first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kiko-may-oversupply-na-ng-ambisyosong-politiko/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kiko-may-oversupply-na-ng-ambisyosong-politiko)