Kontra si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay sa panukalang batas na ituturing na guilty agad ang isang drug suspect sa oras na madakip ito.

Aprubado na sa huling pagbasa sa House of Representatives ang House Bill No. 7814, na naglalayong palakasin ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2020.

Sa nasabing bill, 188 kongresista ang pumabor dito, habang 11 naman ang bumoto ng ‘no’ at isa dito si Suntay.

Lahad ng mambabatas, mapanganib ang naturang probisyon sakaling mapasa ito bilang batas dahil aniya’y lumalabag ito sa Konstitusyon.

“Imbes na ‘yung mga accused ay presumed innocent until proven guilty, this house bill created presumpted guilt nung mga accused and they have to prove that they are innocent,” saad ni Suntay sa panayam ng ‘Balitaan at Kumustahan’ ng Politiko Live.

“This is very dangerous because it goes against basic principle human rights which is protected by the Constitution,” aniya pa.

Naniniwala si Suntay, na chairperson ng House committee on human rights, na hindi solusyon ang HB 7814 para mapuksa ang iligal na droga sa bansa.

“Dito sa panukalang ito, 12 years to life imprisonment yung mga penalty nito,” sambit ng mambabatas.

“Paano kung nakulong ka ng anim na taon tapos biglang sasabihin inosente ka pala?”

Sa ilalim ng panukalang batas, kikilalaning protektor ng iligal na droga ang isang tao na may kakilalang nagbebenta nito at tumulong sa pagtakas sa aresto.

Guilty ding ituturing ang sinuman na makitaan ng dokumento ng pagbili ng iligal na droga, o hindi kaya’y may droga sa kanilang area, kahit hindi pa nahahatulan ng korte.

The post Kulong agad kahit inosente? Matik guilty sa mga drug suspect pinalagan ni Cong. Suntay first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kulong-agad-kahit-inosente-matik-guilty-sa-mga-drug-suspect-pinalagan-ni-cong-suntay/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kulong-agad-kahit-inosente-matik-guilty-sa-mga-drug-suspect-pinalagan-ni-cong-suntay)