Umalma ang Associated Labor Unions (ALU) sa plano umano ng ilang pribadong kompanya na magpatupad ng “no vaccination, no work” para mapilitang magpabakuna laban sa COVID-19 ang kanilang mga empleyado.

Ayon kay ALU national executive vice president Gerard Seno dapat ngayon pa lamang ay dapat ipagbawal na ito ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nakatanggap umano impormasyon ang ALU mula sa kanilang mga miyembro na nasabihan na hindi papapasukin ang mga hindi magpapabakuna sa COVID-19 vaccination program ng kanilang kompanya.

Ang mga hindi sasali ay idedeklara umanong ‘unfit to work’.

Mayroon din umanong employer na hihingi ng sertipikasyon bilang katibayan na nakapagpabakuna na ito para papasukin.

Mayroon din umanong pagbabanta na maililipat ng branch ang mga hindi magpapabakuna samantalang ang iba ay ilalagay muna sa floating status.

“The ALU is advocating for the vaccination of all workers and pushing for the prioritization of essential workers to be inoculated with safe and effective vaccines to safely reopen our economy but these arbitrary actions taken by abusive employers are audacious acts of direct discrimination and straightforward coercion,” ani Seno.

Hindi umano dapat gawing compulsory ang pagpapabakuna at maaari lamang tangkain ng employer na hikayatin ang mga empleyado sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga ito kung ano ang benepisyo ng bakuna.

The post Labor group umalma sa ‘no vaccination no work policy’ na ipatutupad ng ilang kompanya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/labor-group-umalma-sa-no-vaccination-no-work-policy-na-ipatutupad-ng-ilang-kompanya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=labor-group-umalma-sa-no-vaccination-no-work-policy-na-ipatutupad-ng-ilang-kompanya)