Nagpaulan ng tanong si Senador Ping Lacson kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos hamunin ng huli ang nauna na magbigay ng solusyon sa kakapusan ng suplay ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Nagkomento si Panelo sa panghihikayat ng senador na maging transparent ang gobyernong Duterte sa mga binibili nitong bakuna, gayong sandaang bilyong piso na ang inutang nito pero katiting pa lang ang dumarating sa bansa.

“Assuming na mali yung programa ng gobyerno, ano ‘yun Senador Ping? What are those drastic and innovative solutions?” ayon sa Palace official. “Kung magaling ka, e sabihin mo para kung tama, edi gawin natin.”

Tumugon ang mambabatas kay Panelo ngayong umaga, at mistulang binabatikos si Health Secretary Francisco Duque III.

“Solution? How about getting competent people? How many opportunities were missed and lost? Who dropped the ball? Who is indecisive? Who has no sense of urgency? Who is making money even in the middle of a pandemic?” tweet ni Lacson.

“Think for a change, Sal,” sambit pa niya.

Matatandaang isa si Lacson sa 14 senador na humiling noong Abril 2020 na mag-resign na si Duque dahil sa umano’y “failure of leadership” at “incompetencies” nito habang may pandemya.

Una na ring sinabi ng senador na dapat sana’y makatitiyak na ng 10 milyong Pfizer coronavirus vaccines ang bansa sa Enero 2021 kung wala lang “naglaglag ng bola” o kung trinabaho lang ng health secretary ang kinakailangang documentary requirement doon.

Sa ngayon, patuloy ang pagsirit sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, isang taon simula nang humagupit ang pandemya sa mga Pinoy.

The post Lacson kay Panelo: Mag-isip ka naman first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lacson-kay-panelo-mag-isip-ka-naman/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lacson-kay-panelo-mag-isip-ka-naman)