Naghain si Senador Manuel “Lito” Lapid ng panukala upang maging libre ang mga requirement ng mga naghahanap ng trabaho, na nawalan nito dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Senate Bill 2090, na layong amiyendahan ang “First Time Jobseekers Assistance Act”, hindi dapat singilin ang mga jobseeker na nawalan ng trabaho sa pandemya sa ano pa mang dahilan tulad ng redundancy, retrenchment, pagsasara ng mga negosyo o pagkakasakit.

Ang waiver sa pagbabayad ay para sa mga requirement na kadalasang hinihingi kapag nag-apply ng trabaho sa bansa o sa abroad gaya ng lisensiya, ID, clearance, certificate at iba pa.

Ani Lapid, dapat nang saklolohan ang mga kababayang nawalan ng trabaho dahil kahit wala nang lockdown, dama pa rin aniya ng marami ang hirap lalo na ang mga biglang nawalan ng trabaho.

“Nariyan ang mga nagtiyatiyagang pumila para sa ayuda, mga PUV driver na namamalimos na lamang sa mga kalsada at mga empleyadong napatalsik sa trabaho dahil na rin sa mga naluging negosyo. Kaya para makaahon ang mga kababayan natin sa hirap na ito, dapat tulungan natin silang mabilis na makahanap ng trabaho at isang paraan ay mailibre sila sa mga bayarin lalo sa mga dokumentong kailangan nilang iprisenta oras na mag-apply na sila sa bagong trabaho,” paliwanag ng mambabatas.

Para magbenepisyo sa libreng requirement, sabi ni Lapid, dapat magsumite ang mga jobseeker ng certificate of employment o notice of termination, o kung wala nito ay barangay certification.

The post Lapid pinalilibre requirement sa mga job applicant first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lapid-pinalilibre-requirement-sa-mga-job-applicant/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lapid-pinalilibre-requirement-sa-mga-job-applicant)