Nanawagan si contact tracing czar Benjamin Magalong sa mga local government unit (LGU) na patindihin ang mga contact tracing ng mga ito habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang panayam, pinunto ni Magalong, na siya ring alkalde ng Baguio City, na hindi na-sustain ang national contact tracing efficiency ratio.

“Naglalaro tayo sa contact tracing sa ratio na 1:6, 1:7, there is even a time na umakyat tayo sa 1:10 pero hindi natin na-sustain. That is the national average,” wika niya, Linggo.

“This is heavy reliant doon sa performance ng local government unit. They have to aspire, they have to exert more effort, hindi lang ‘yung nakatutok lang sila doon sa first generation (F1). And when I’m talking about F1, usually household lang,” dagdag niya.

Marami aniyang dahilan kaya mababa ang contact tracing efficiency ratio sa bansa, kabilang ang de-papel na data collection system.

“Magugulat ka na lang kapag ginawa ka nang live list ng mga index cases, makikita mo na lang na maraming zero na close contact. Bakit zero ang close contact? Only to find out later na hindi pala na-encode. Kasi nga papel-papel lang ‘yung ginagawa nila,” punto pa ng czar.

Sa ngayon, 611,618 na ang mga kumpirmadong nahawa sa coronavirus sa Pilipinas, kabilang ang 52,012 aktibong kaso.

The post Magalong sa LGU: Mag-effort pa sa contact tracing first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/magalong-sa-lgu-mag-effort-pa-sa-contact-tracing/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=magalong-sa-lgu-mag-effort-pa-sa-contact-tracing)