Malalaman sa huling linggo ng Marso kung hihigpitan o luluwagan ang quarantine classification sa Metro Manila sa harap ng tumataas na COVID cases.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ire-review sa susunod na linggo ang sitwasyon sa National Capital Region (NCR) bago magpasya kung dapat bang maghigpit ng quarantine status.

“Isang linggo na lang at titingnan po natin kung hindi nga tayo mauubusan ng mga kama sa ating mga hospital,” ani Roque.

Mayroon aniyang formula na sinusunod ang mga medical expert at kapag naubusan ng kama ay indikasyon ito na magbago ng classification.

Pero umaasa si Roque na huhupa ang pagsirit ng kaao ng mga nagkakasakit dahil sa ipapatupad na dalawang linggong paghihigpit sa bawat komunidad.

“Naniniwala po ako na lahat tayo ay makikipagbayanihan para mapababa ang numero dahil importante sa atin na manatiling bukas ang ekonomiya,dahil kailangan nating maghanapbuhay,” dagdag ni Roque.

Batay sa pagtaya ng OCTA Research, posibleng umabot sa 20,000 ang COVID cases pagdating ng Abril kung hindi makikipagtulungan ang publiko sa pagsunod sa basic health protocols na ipinaiiral ng gobyerno.

The post Mas pinahigpit na quarantine classification, nakasalalay sa hospital care capacity first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mas-pinahigpit-na-quarantine-classification-nakasalalay-sa-hospital-care-capacity/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mas-pinahigpit-na-quarantine-classification-nakasalalay-sa-hospital-care-capacity)