Iminungkahi ni Senador Christopher “Bong” Go na ipagbawal muna ang mass gathering o pagtitipon sa pampublikong lugar kasunod ng patuloy na pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Bukod sa mass gathering, dapat paigtingin ang work-from-home arrangement. Ang mga miyembro naman ng pamilya, lalo na ang mga matatanda ay huwag na munabng bumiyahe at manatili na lang sa kanilang tahanan.

“Iwasan rin muna natin ang mga bisita sa bahay. Limitado lang dapat sa iilang katao ang ating nakakasalamuha para maproteksyunan ang ating pamilya at hindi magkahawahan,” sabi ni Go.

Bagama’t maglalabas ng rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng ilang mga measure para makontrol ang pagkalat ng virus, sinabi ng senador na dapat makipagtulungan pa rin ang publiko sa mga awtoridad at istruktong sumunod sa health protocol.

“Huwag tayong magkumpiyansa. Follow health protocols, social distancing, mask, face shield, hugas ng kamay. Kung hindi naman kailangan, huwag munang lumabas ng inyong pamamahay, delikado pa po,” paalala nito.

“(Bilang halimbawa,) kapag mayro’n po sa isandaang katao at mayro’n nang isa na hindi sumunod sa health protocols, posible na pong magkahawahan. Ang problema po ngayon, maraming nagkukumpiyansa na po dahil sa pagbukas ng ekonomiya,” paliwanag ni Ho.

“Huwag tayong maging kampante. Disiplina po ang kailangan dito ng bawat Pilipino. Sumunod tayo sa gobyerno habang nag-uumpisa tayo sa pagbabakuna. Napatunayan naman po na ‘pag nag-mask, face shield, social distancing, at hugas ng kamay — napatunayan na higit 90% po na hindi po magkahawahan,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ni Go na hindi dapat magpakakumpiyansan ang mga Pilipino at manatiling maingat dahil andiyan pa rin ang banta ng COVID-19, lalo na ang mga bagong variant.

“Huwag tayong magkumpiyansa masyado dahil nandiyan pa ang COVID-19 at delikado pa talaga ang panahon ngayon. Kaya tumaas ‘yung numero ngayon dahil marami pong nagkukumpiyansa at naglalabasan po,” sabi ni Go.

The post Mass gathering ibawal muna – Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mass-gathering-ibawal-muna-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mass-gathering-ibawal-muna-go)