Klinaro ni Calapan City Mayor Arnan Panaligan na base sa kanilang imbestigasyon, sumunod si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas sa lahat ng requirement para makapasok sa kanilang probinsya.

Ayon sa alkalde sa ‘Balitaan at Kumustahan’ ng Politiko Live, “After initial investigation, ito po ang aming na-establish, nag-online registration po si Gen. Sinas sa Calapan City at nakatanggap po siya ng confirmation.”

Aniya, nagluwag na ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease sa mga dokumentong kailangan para makabiyahe at tanging confirmation lang mula sa local government unit ang kinailangan para makapasok si Sinas sa kanilang lugar.

“As far as we are concerned, na-comply po iyong prosesong yon,” aniya pa.

Para naman sa napabalitang hindi pagdaan sa health screening ni Sinas, sinabi ni Panaligan na sa kanilang LGU ay hindi nakasalang ng screening ang police chief dahil sumakay ito ng helicopter.

“Kasi po kahit maluwag na, usually dumadaan sa Port of Calapan… nandoon po ang mga screening na ginawa ng provincial government,” paliwanag ng alkalde.

“Dahil siya’y hindi naman dumaan sa port dahil nga naka-helicopter kaya hindi siya napadaan sa screening process na ito.”

Ngunit ayon sa pagkakaalam niya, may sariling screening process ang PNP.

Nakita rin sa kanilang imbestigasyon na tanging sa PNP regional office sa Calapan lang naglagi si Sinas, at kaagad ding na-quarantine ang mga nakasalamuha nito na mga police official.

The post Mayor Panaligan: Sinas walang nilabag sa pagpunta ng Calapan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mayor-panaligan-sinas-walang-nilabag-sa-pagpunta-ng-calapan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mayor-panaligan-sinas-walang-nilabag-sa-pagpunta-ng-calapan)