Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na lumapit sa One Hospital Command Center kung puno na ang mga hospital sa Metro Manila.

Tugon ito ng Palasyo kaugnay sa ulat na maraming pasyenteng COVID at non-COVID ang tinatanggihan sa ilang pagamutan dahil puno na umano ang mga ito.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang One Hospital Command Center ang magsasabi kung saang hospital maaring pumunta .

“Meron po tayong One Hospital Command Center, sila po ang magre-refer sa inyo kung saan ang pinakamalapit na hospital na pupuwedeng puntahan,” ani Roque.

Tumawag muna aniya sa hotline ng command center sa numerong 0915-7777777 dahil mayroon silang updated na listahan kung saan mayroong bakanteng hospital na maaaring puntahan.

“Kaya nga po ang suggestion ko tumawag kayo sa hotline nang hindi masayang ang inyong oras sa pagdating sa hospital ay hindi kayo maa-admit dahil ang One Hospital Command Center po kada oras ay updated sila kung saan merong bakante,” dagdag ni Roque.

Sinabi ni Roque na kung halimbawa napuno na ang mga hospital sa Quezon City, maaaring i-refer ang pasyente sa Bulacanan, at kung taga-Paranaque o Las Piñas naman ay maaring irefer sa mga ospital sa Cavite o kaya sa Laguna.

The post Mga ospital na kaya tumanggap ng pasyente, malalaman sa One Hospital Command first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-ospital-na-kaya-tumanggap-ng-pasyente-malalaman-sa-one-hospital-command/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-ospital-na-kaya-tumanggap-ng-pasyente-malalaman-sa-one-hospital-command)