Nag-iikot ngayon sina DPWH Secretary Mark Villar at Department of Health (DOH) Undersecretary Leopoldo Vega sa mga ospital para ma-check ang health care utilization rate dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa.

Sinabi ni National Task Force on COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez na inaalam na nina Secretary Villar at Undersecretary Vega ang sitwasyon bunsod ng ulat na napupuno na umano ng COVID patients ang ilang pagamutan lalo na sa National Capital Region.

“Tinawag po natin ang pansin ni Secretary Villar at saka ni Usec Sadain and also Sec. Vince, nag-iikot po sila ngayon at talagang ini-inventory iyong lahat ng mga hospitals,” ani Galvez.

Nilinaw ng kalihim na hindi lahat covid cases ang dahilan kaya napupuno ang mga pagamutan kundi maraming non-covid cases din kaya ginagamit na aniya ang “One Hospital Command” system sa pamumuno ni Undersecretary Vega.

Ang sistemang One Hospital Command ng DOH ay isang referral system sa pagitan ng mga ospital na tinatag para maiwasang ma-overwhelm ang mga critical care facility sa bansa.

Sinabi ni Galvez na binuksan na rin nila ang isang malaking pasilidad sa Subic, Zambales na magsisilbing isolation facility at kayang mag-okupa ng daan-daang katao.

Gagamitin din aniya ang Quezon Institute sakaling umapaw na ang COVID cases sa mga hospital at may mga expansion na ring ginagawa para pagdalhan ng mga indibidwal na matamaan ng virus.

The post One Hospital Command, DPWH nag-iimbentaryo ng mga ospital first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/one-hospital-command-dpwh-nag-iimbentaryo-ng-mga-ospital/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=one-hospital-command-dpwh-nag-iimbentaryo-ng-mga-ospital)