Kaya umanong ibigay ng gobyerno ang P10,000 ayuda sa bawat pamilya dahil sa laki ng inutang at kinita nito.

Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s party-list Rep. Arlene Brosas umutang ang gobyerno ng P2.74 trilyon at nakakolekta ng P2.84 trilyon buwis noong nakaraang taon.

“Lumalangoy ang gobyerno sa pera kahit may pandemya dahil sa trilyun-trilyong utang at koleksyon, pero hanggang ngayon, ipinagkakait pa rin ang panawagang P10,000 ayuda,” ani Brosas.

Sinabi ni Brosas na ipinagmalaki ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na nalagpasan ng mga ito ang kanilang target na koleksyon bagamat mas mababa ito sa P2.85 trilyong nakolekta noong 2019.

“Hindi pwedeng dumaing ang gobyerno na walang pera dahil malinaw ang datos kaugnay sa trilyun-trilyong inutang nito sa panahon ng pandemya. Kahit ang pangakong katiting na ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2 ay hindi pa rin tapos na ipamahagi sa mga benepisyaryo nito,” ani Brosas.

Nagpahayag din ng pagkadismaya di Brosas dahil P103.24 bilyon lamang sa P140 bilyong pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ang naipamahagi na hanggang noong Enero.

The post P10K ayuda bawat pamilya kayang ibigay ng gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p10k-ayuda-bawat-pamilya-kayang-ibigay-ng-gobyerno/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p10k-ayuda-bawat-pamilya-kayang-ibigay-ng-gobyerno)