Kumilos na ang gobyerno para iprotesta ang pagparada ng 220 Chinese vessels sa Juan Felipe Reef sa Palawan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang impormasyon kaya kumilos na ang Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng paghahain ng protesta sa China kaugnay sa insidente.

“Nakarating na po sa Pangulo at sa katunayan ay nakapagprotesta na ang Department of Foreign Affairs tungkol dito,” ani Roque.

Ang DFA aniya ang ahensiyang nakatutok sa mga usaping panlabas kaya hintayin kung ano ang resulta ng inihaing diplomatic protest.

Nagpahayag naman ng pag-aalala si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa naging aksiypn ng China dahil ito aniya ay malinaw na provocative action ng militarisasyon ng China sa lugar.

Iginiit ni Lorenzana na ang Julian Felipe Reef ay bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone at Continental Shelf kaya hindi dapat na manghimasok ang mga barko ng China.

The post Paglibot ng Chinese vessels sa WPS umabot na kay Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/paglibot-ng-chinese-vessels-sa-wps-umabot-na-kay-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=paglibot-ng-chinese-vessels-sa-wps-umabot-na-kay-duterte)