Malaki ang magiging pinsala sa bansa kapag isinara ulit ang mga negosyo sa harap ng patuloy na pagharap sa problema sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang regular Talk to the People sa harap ng patuloy na pagtaas ng COVID cases sa bansa, lalo na sa Metro Manila.

Sinabi ng Pangulo na tatagilid ang ekonomiya kapag isinara ang lahat ng maaaring pagkakitaan ng mamamayan kaya kailangang balansehin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa basic health protocols.

“Kung sarhan mo lahat yan, medyo tagilid na ang ekonomiya. And that’s a problem it will be disaster for our country. Kung sarhan mo talaga lahat, it would be disaster for the country. So balance-balance lang tayo ,” anang Pangulo.

Ipinaliwanag ng Presidente na kung bahagyang naghihigpit ngayon sa kilos ng mga tao, ito ay dahil na rin sa dinaranas na pandemya at para matiyak ang kaligtasan ng mga tao.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi ito paghihigpit gaya ng martial law kundi nais lamang ng gobyerno na matiyak na hindi magkakasakit ang maraming mga tao mula sa COVID-19.

“The state has that kind of power. Although hindi yan sa martial law-martial law. It’s just putting you in the right place at the right time this time ” dagdag ng Pangulo.

The post Pagsara uli ng ekonomiya magiging disaster sa PH – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagsara-uli-ng-ekonomiya-magiging-disaster-sa-ph-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagsara-uli-ng-ekonomiya-magiging-disaster-sa-ph-duterte)