Siniguro ni Philippine Airlines (PAL) spokesperson Cielo Villaluna na ligtas ang pagkakarga at pag-deliver ng mga bakuna kontra COVID-19 sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa panayam ng ‘Patrolya Probinsya’ ng Abante Radyo Tabloidista, binahagi ni Villaluna ang proseso ng paghahatid ng mga bakuna mapa-Luzon, Visayas o Mindanao.

“We are using our 156-seater Airbus A320, and our 199-seater Airbus A321,” saad ng PAL official.

Aniya, nakaantabay ang Philippine National Police Aviation Security Group at iba pang opisyal ng PNP para mabantayan ang mga bakuna.

Mula cold storage facility ay dinadala sa international cargo facility ng PAL ang mga bakuna kung saan napapanatili naman ang temperatura depende sa brand ng bakuna.

“We have our very own freezers so nase-set namin yung temperature sa pinaka-ideal temperature na ideal for the brand, whether Sinovac or AstraZeneca,” sambit ni Villaluna.

Ang mga bakuna ay isinasakay sa commercial passenger flight, kung saan may mga nakasakay ding pasahero sa eroplanong nagdadala ng bakuna.

“May pasahero sa cabin at yung ating vaccine ay naka-store sa cargo compartment,” aniya pa.

March 2 ay nagsimula na ang pag-transport ng mga bakuna sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, nakapag-deliver na ang PAL sa Legazpi, Cebu, Davao, Tacloban, Cagayan de Oro at Butuan.

Nilinaw din ni Villaluna na nasa kamay ng National Task Force ang pagdedesisyon kung ano-anong probinsya ang makatatanggap ng bakuna.

The post PAL spokesperson: Ligtas pagbiyahe sa bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pal-spokesperson-ligtas-pagbiyahe-sa-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pal-spokesperson-ligtas-pagbiyahe-sa-bakuna)