Naglabas ang National Task Force (NTF) on COVID-19 ng mga exempted sa suspensiyon ng pagpasok ng mga dayuhan at returning overseas Filipino o mga balikbayan sa bansa simula sa Marso 20 hanggang Abril 19, 2021.

Sa isang video message ni Presidential Spokesman Harry Roque, kabilang sa mga maaaring makapasok sa bansa ay yaong mayroong hawak na 9(e) visas – official of foreign governments or diplomats, medical repatriation kasama ang kanilang escorts, distressed returning OFWs at emergency humanitarian cases.

Nilinaw ni Roque na ang mga kasama sa suspensiyon at hindi muna papapasukin sa bansa ay mga balikbayan at hindi kabilang sa kategoryang Overseas Filipino Workers o OFWs.

“May mga exemption na ibinigay ng NTF ukol dito, una, hindi kasama ang holders ng 9(e) visas, medical repatriation kasama ang escorts na inendorso ng DFA, Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs o kaya ng OWWA, distressed returning Overseas Filipinos, emergency humanitarian at iba pang kasong may go signal ng NTF,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19, ayaw ng gobyerno na mapuno ang quarantine facilities.

“Kailangan natin gawin ang decisive action na ito para hindi po kumalat ang virus pati na po ‘yung mga variants nito,” dagdag ni Roque.

Batay sa kautusan ng NTF, inabisuhan ang mga ahensiya ng gobyerno na limitahan ang bilang ng pinapapasok na mga pasahero sa bansa ng 1,500 kada araw.

Batay sa datos, nasa 1,200 ang pumapasok na OFWs sa bansa kada araw.

The post Palasyo naglabas ng exemption sa Pinoy na puwedeng pumasok sa bansa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-naglabas-ng-exemption-sa-pinoy-na-puwedeng-pumasok-sa-bansa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-naglabas-ng-exemption-sa-pinoy-na-puwedeng-pumasok-sa-bansa)