“Just because I criticize, pamumulitika na?”

Agarang sinagot ni Senador Panfilo Lacson ang patama ni Presidential spokesperson Harry Roque na habang papalapit ang 2022 elections ay may mga namumulitika na at ginagamit umano ang pandemya para sa kanilang pulitikal na interes.

“Ang masasabi ko lang po talaga, tumitindi po ang politika at dahil malapit na ang eleksyon, at ginagamit talaga itong pandemya ‘no laban sa administrasyon,” sabi ni Roque sa pre-recorded briefing kasama si Pangulong Duterte.

“So kung mayroon pa pong konsensiyang natitira ‘yong mga nais manalo, na desperadong manalo, ay sana po ay tumulong na lang po sila, magbigay ng solusyon dito sa problemang ito kaysa pinagsasamantalahan po ang pandemya para sa kanilang mga selfish political gains,” dagdag niya.

Walang binanggit na pangalan ang opisyal pero nilabas niya ang pahayag matapos kuwestiyunin nina Lacson at Senadora Risa Hontiveros kung nasaan na ang bilyon-bilyong pisong inutang ng gobyerno sa World Bank, Asian Development Bank, at Asian Infrastructure Investment Bank pambili ng COVID-19 vaccines ng mga Pilipino.

Tugon naman ni Lacson sa Twitter, pwede siyang magbigay ng ebidensya na tumutulong siya habang may pandemya.

“Really? Harry, are you serious? Just because I criticize, pamumulitika na?” sabi ng mambabatas, Martes.

“Wala akong tarpaulins. ‘Pag nagbibigay ako ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang nangangailangan, tulong lang talaga kaya walang media coverage. I can enumerate to you privately if you want proof,” aniya pa.

The post Pamumulitika agad? Lacson pinalagan si Roque first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pamumulitika-agad-lacson-pinalagan-si-roque/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pamumulitika-agad-lacson-pinalagan-si-roque)