Tinawag ng abogado ng Malacañang na nagmamaang-maangan ang mga kritiko na humihiling na buwagin na ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases dahil hindi eksperto sa medisina ang mga miyembro nito.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na batid ng mga kritiko at ng oposisyon na lahat ng desisyon ng IATF ay nakabatay sa sensiya.

Kinukunsulta aniya ng IATF ang mga medical expert sa bansa at kasama ang mga ito tuwing nagpupulong sila bago gumagawa ng resolusyon.

“Well, nagmamaang-maangan sila, kunwari hindi nila alam. Yung IATF hindi yan gumagawa ng desisyon na hindi batay sa siyensiya. Kung nami-meeting yang mga yan, eh nandiyan palagi yung mga expert. Yung mga duktor nandiyan eh,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng kalihim na bago gumawa ng desisyon ang IATF ay kumukunsulta sila sa mga eksperto kaya masyadong mababaw ang dahilan ng mga kritiko para hilingin ang pagbuwag sa IATF.

“Bago sila gumawa ng desisyon tinatanong muna sila. Wala diyan desisyon na hindi based on science.Lahat ng eksperto kinukunsulta. Ang problema natin medical kaya kailangan mga medical expert ang kinukunsulta natin,” dagdag ni Panelo.

Naunang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang dahilan para buwagin ang IATF dahil kapag ginawa ito ay para na ring binuwag ang gobyerno dahil bawat miyembro nito ay mula sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.

The post Panelo: Mga kritiko ng IATF nagmamaang-maangan! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/panelo-mga-kritiko-ng-iatf-nagmamaang-maangan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=panelo-mga-kritiko-ng-iatf-nagmamaang-maangan)