Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagkakatalaga kay Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. bilang tagapagsalita ng anti-insurgency task force habang aktibo pa ito bilang military officer. Labag aniya ito sa batas.

Nakasaad aniya sa Article 16, Section 5, Paragraph 4 ng Konstitusyon na nagsasaad na walang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na aktibo sa serbisyo ang pwedeng maitalaga sa anumang kapasidad sa isang sibilyan na posisyon sa pamahalaan.

Dahil dito, ayon kay Drilon, si Parlade na chief din ng AFP Southern Luzon command, ay hindi maaaring magsilbi bilang spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Kinuwestiyon ito ni Drilon, dating justice secretary, nang talakayin sa Senado ang committee report ng Senate defense panel sa kanilang imbestigasyon sa diumano’y red-tagging ng mga opisyal ng military.

Nag-ugat ang imbestigasyon ng Senado sa Facebook post ni Parlade na nagsasabing nire-recruit ng mga komunista ang actress na si Liza Soberano nanang makipagtalakayan ito sa Gabriela party-list group.

“I would like to think that the sponsor will agree that the designation as a spokesperson not only poses problems on his personality but also could be questioned on the ground that we are designating an active military officer in a purely civilian office which is prohibited under the Constitution,” ani Drilon.

Sinag-ayunan naman ni Senador Panfilo Lacson, chair ng komite si Drilon at inirekomenda sa kanilang report na hindi dapat humawak ng dalawang posisyon si Parlade.

“Simply because there might be some confusion and whatever he says as spokesperson of the NTF-ELCAC necessarily reflects on his superiors in the AFP, if not the AFP itself,” ani Lacson.

The post Parlade bilang anti-insurgency TF spox unconstitutional – Drilon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/parlade-bilang-anti-insurgency-tf-spox-unconstitutional-drilon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=parlade-bilang-anti-insurgency-tf-spox-unconstitutional-drilon)