Dinispatsa ng isang korte sa Baguio ang hiling ng isang obispo na awatin ang pulisya sa pagkasa ng “Tokhang” laban sa mga aktibista at taong pinaghihinalaang may koneksiyon sa mga komunista.

Magugunitang nagpetisyon si UCCP Bishop Emeritus Reuel Marigza sa korte para sa injunction at temporary restraining order laban sa Resolution No. 4 ng Cordillera Regional Law Enforcement Coordinating Committee (RLECC).

Binasura ni Judge Michael Francisco ng Baguio City Regional Trial Court Branch 6 ang petisyon para sa TRO dahil “premature” pa aniya ang hiling gayong hindi pa nagsisimula ang naturang counter-insurgency campaign.

Ang naturang resolusyon ay naglalaman lang aniya ng “policy recommendation” sa kung paano posibleng tutugunan ang communist insurgency at ito ay pwede pang mabago o ma-reject ng Regional Peace and Order Council (RPOC), ng mga gobernador at ng mga alkalde sa Cordillera Region.

Nagpasya rin si Francisco na walang kagyat na pangangailangan para sa injunction dahil ang banta ng pinsala sa petitioner ay “largely uncertain” at nakasalalay sa pag-aampon ng resolusyon ng RPOC at ng mga gobernador at mga alkalde sa nasabing rehiyon.

Punto ng obispo sa kanyang petisyon, ang nasabing inisyatiba ay nilalagay sa panganib ang buhay ng maraming aktibista, kasunod ng sunud-sunod na pagpaslang sa mga progresibo sa iba pang bahagi ng bansa kamakailan.

Pinabatid din ni Marigza sa korte ang social media posts ng mga opisyal ng kapulisan at militar na tinukoy siya, isang obispo, bilang ‘tagasimpatya ng komunista’ at ‘terorista’ dahil nag-alok ng matutuluyan ang UCCP sa mga lumikas na Lumad sa Mindanao.

Kumbinsido si Francisco na ang takot ng obispo ay “at best, premature” dahil wala pa aniyang kongkretong banta ng pinsala sa huli.

“Thus, without any completed action on the part of the RPOC, as well as the Governors and the Mayors in the Cordillera Region, in adopting the recommendation of the RLECC-CAR to conduct ‘Oplan Tokhang’ on left-leaning personalities under [the said resolution], thereby resulting in a concrete threat of injury to the petitioner, the Court is constrained to deny petitioner’s applicant for the issuance of a 2-day TRO on the ground of prematurity,” batay pa sa desisyon ng korte.

The post Petisyon vs. ‘Tokhang’ sa aktibista binasura first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/petisyon-vs-tokhang-sa-aktibista-binasura/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=petisyon-vs-tokhang-sa-aktibista-binasura)