Posibleng humingi ng timeout ang Philippine General Hospital (PGH) dahil sa pag-akyat ng COVID-19 cases sa bansa, isang taon na sa lockdown.

Ayon kay PGH spokesman Jonas del Rosario, sa ngayon ay nasa 164 na pasyente ang naka-admit sa kanila na tinamaan ng COVID-19, kaya’t marami pa ring nasa waiting list sa kanilang ospital.

“Hindi pa po kami humihingi ng timeout pero nadadama na namin ‘yung sipa ulit. At the same time, pilay kami dahil may ilan kaming health care workers na may sakit so naapektuhan ‘yung aming pagma-man ng aming mga post so medyo nakakaramdam na rin ng pagod so there is a possibility baka kung talagang medyo umaapaw na humingi rin kami ng timeout,” ayon kay Del Rosario sa panayam ng Teleradyo.

Matatandaan na nitong Biyernes ay umabot sa 7,103 ang bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na daily record sa Pilipinas.

Ito’y kahit pa sinabi ng Department of Health na karamihan sa mga nagkakaroon ng COVID-19 ay mild ang kaso.

“Apela ngayon ng PGH na tulungan kami ng ibang ospital na tanggapin ‘yung ibang may non-COVID diagnosis, sa kanila muna. ‘Wag na muna nilang ipadala sa amin dahil ngayon po ay naka-focus kami sa COVID,” hiling ni del Rosario.

The post PGH binabala ‘timeout’ sa patuloy na pagtaas ng COVID case first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pgh-binabala-timeout-sa-patuloy-na-pagtaas-ng-covid-case/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pgh-binabala-timeout-sa-patuloy-na-pagtaas-ng-covid-case)