Muling iniwasan ni Vice President Leni Robredo ang mga tanong sa mga plano niya sa pulitika, at sinabing tila “kasalanan” ang pag-iisip sa halalan habang may pandemya.

Tinanong si Robredo kung tatakbo ba siya sa pagkapangulo, at sinabi niyang wala pa siyang plano para sa 2022.

“Wala pa. Parang kasalanan isipin iyong eleksyon ngayon, dahil ang daming naghihirap, ang taas ng cases. Parang huwag muna. Marami pang puwedeng mangyari,” banggit ng VP sa pagbisita niya sa Iloilo City Molecular Laboratory, Marso 16.

“Marami pang puwedeng mangyari. Parang kapag inisip natin iyong eleksyon ngayon, hindi natin magagawa iyong trabaho natin,” aniya pa.

Tiniyak ng Bise na wala pa sa isip niya ang botohan gayong ang mga binibisita niyang lugar kamakailan ay liblib at walang mataas na voter turnout.

“Kagaya ako, iyong mga pinuntahan kong mga lugar dito, iyong pinakamalalayo. Hindi naman tayo nagkaroon ng events. Talagang binisita lang natin iyong programs,” sabi ni Robredo.

“Siguro kung eleksyon na iyong iniisip ko, magpapatawag ako ng maraming tao para hindi sayang iyong baba. So iyon nga, trabaho muna saka itong COVID response iyong asikasuhin natin,” saad pa niya.

The post Robredo: Parang kasalanan isipin ang eleksiyon sa ngayon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/robredo-parang-kasalanan-isipin-ang-eleksiyon-sa-ngayon1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=robredo-parang-kasalanan-isipin-ang-eleksiyon-sa-ngayon1)