Nagkataon lang ba na dumagsa ang mga barko ng China sa West Philippine Sea ilang araw matapos na dumating sa Pilipinas ang mga donasyong COVID-19 vaccine ng China?

Ito ang tanong ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez matapos na lumabas ang ulat kaugnay ng mahigit 200 barko ng China na nag-angkla sa Juan Felipe Reef sa bayan ng Bataraza sa Palawan sa loob ng walong araw mula ng dumating sa bansa ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccines na bigay ng gobyerno ng China.

Dumating ang mga bakuna noong Pebrero 28 at nagsimula itong iturok sa mga frontline healthcare workers noong Marso 1. Nadiskubre naman ang daan-daang sasakyang pangdagat mula sa China noong Marso 7.

“This sequence of events makes many of us wonder if there is a connection between the vaccine donation and China’s latest incursion in the West Philippine Sea, if we did not exchange marine resources for vaccine,” ani Rodriguez.

Iginiit ni Rodriguez na gaya ng Scarborough Shoal sa Zambales at Pangasinan, ang Juan Felipe Reef ay nasa loob ng exclusive economic and exploration zone (EEZ) ng bansa alinsunod sa international law.

“We are grateful to China for the donated vaccine but we must condemn in the strongest possible terms this newest intrusion into our EEZ. The donation should not give them reason to enter our territory and violate our territorial integrity,” punto ni Rodriguez.

Ayon sa China naroon ang mga barko dahil masama ang panahon.

Pero kung totoo umano ito, ayon kay Rodriguez dapat ay umalis na sila makalipas ang ilang araw.

“What are their intentions there?” tanong pa ng solon.

Isinusulong ni Rodriguez sa Kongreso ang panukala na nagtatakda ng maritime area ng bansa kasama na ang 200-mile EEZ. Ang Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) at Juan Felipe Reef ay nasa loob ng EEZ.

The post Rodriguez: Bakuna kapalit ba ng marine resources? first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/rodriguez-bakuna-kapalit-ba-ng-marine-resources/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=rodriguez-bakuna-kapalit-ba-ng-marine-resources)