Kinonsensiya ng Malacañang ang mga kritiko ng administrasyon na tumulong na lamang sa paglutas sa COVID-19 pandemic sa halip na gamitin ang kasalukuyang sitwasyon para banatan at butasan ang gobyerno.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kung nais manalo ng mga pulitiko sa susunod na eleksiyon, mainam na tumulong na lamang o magbigay ng solusyon sa COVID pandemic sa halip na gamitin ito para banatan ang Duterte administration.

“Kung mayroon pa pong konsensiyang natitira yong mga nais manalo, na desperadong manalo ay sana tumulong na lang po sila, maybigay ng solusyon dito sa problemang ito kaysa pinagsasamantalahan po ang pandemya para sa kanilang selfish political gain,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na tumitindi na ang politika dahil malapit na ang 2022 elections at ginagamit ang kasalukuyang sitwasyon para maging bida sa publiko at siraan ang mga ginagawang pagsisikap ng gobyerno lalo na sa isyu ng covid vaccines.

“Tumitindi talaga ang politika at dahil malapit na ang eleksiyon, ginagamit talaga itong pamdemya laban sa administrasyon,” dagdag ni Roque.

Tila mas natutuwa pa aniya ang mga pulitiko na nakikitang nalilito ang taongbayan lalo na sa isyu ng mga biniling bakuna ng gobyerno.

The post Roque gigil sa ‘namumulitika’ habang may pandemya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-gigil-sa-namumulitika-habang-may-pandemya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-gigil-sa-namumulitika-habang-may-pandemya)